Congressman-prosecution kulang sa practice - PNoy
MANILA, Philippines - Aminado si Pangulong Benigno Aquino III na nagiging ‘dehado’ ang mga congressmen-prosecutors sa legal team ng defense ni Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media interview matapos dumalo sa 110th anniversary ng Bureau of Customs (BoC) kahapon, may kaunting disadvantage ang mga congressmen-prosecutor kontra sa kalaban nilang defense lawyers ni Chief Justice Corona sa impeachment trial.
“Nasa batas bawal silang (congressmen) humarap sa korte during their incumbency. Yung katapat naman nila yung araw-araw hanapbuhay ay humarap sa korte—siyempre mas polished from the beginning,” wika pa ni PNoy sa mediamen.
“Pero at the end of the day, paniwala ko katotohanan ang ipinaglalaban. So yung lalabas na totoo at kung ano yung totoo ang siyang magbibigay sa atin ng gabay at direksyon kung saan tayo tutungo,” giit pa ng Pangulo.
Idinagdag pa ni Aquino, kahit gaano kagaling ang mga abugado ng depensa ay hindi nito kayang pagtakpan ang katotohanan kaugnay sa akusasyon kay Corona na dinidinig ngayon ng impeachment court.
“Ngayon, maski gaano ka kagaling kung talaga namang ‘yung totoong napakaliwanag ay pipilitin mong gawing malabo ay talagang mahihirapan ka lalo na ganoon ka-glaring, ‘di ba? Ulitin ko ho, ano, nag-file ka ba? Binigay ko ho sa clerk na nauutusan ko, na inutusang ilagay sa filing cabinet na pina-lock ko, na pinalipat pagkatapos sa vault. So paano nga public disclosure?,” paliwanag pa ni Pangulong Aquino.
- Latest
- Trending