MANILA, Philippines - Parusang 15 taong pagkabilanggo ang naghihintay sa sinumang magmamaneho ng lasing o bangag sa droga at multang P20,000-P200,000 sa magkakasala.
Sa House Bill 5708 ni Marikina City Rep. Marcelino Teodoro, isinusulong nito ang mahigpit na pagpaparusa sa mga nagmamaneho ng lasing sa alak o droga upang mabawasan ang mga aksidente sa lansangan.
Sa kasalukuyan umano ay nakapaloob sa Section 56 ng Republic Act 4136 o “Land Transportation and Traffic Code” ang multang P200-P500 para sa mga driver na lasing o lango sa ipinagbabawal na gamot at maaaring makulong ng hindi hihigit sa tatlong buwan na umanong napakagaan.
Ayon kay Rep.Teodoro, ang isang indibidwal na may blood alcohol content na 0.10 porsiyento pataas ay masasabing nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.
Ang indibidwal ay tinatayang nasa impluwensiya naman ng ipinagbabawal na gamot kung ang dami o quantity ng droga na nasa kanyang sistema ay sapat para maapektuhan ang kanyang persepsyon, mental processes o motor function kumpara sa ordinaryong indibidwal.
Ang hakbang ni Teodoro ay base umano sa istatistika na naapektuhan ng malaki ang pagmamaneho ng mga driver na lasing o nasa ilalim ng ipinagbabawal na gamot.