Pol. adviser ni PNoy bumili ng pirated DVDs, pinagre-resign!
MANILA, Philippines - Pinagbibitiw si Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas matapos itong bumili ng mga pirated DVD na nagkakahalaga ng P2,000.
Sinabi ni ANAD Rep. Pastor Alcover na dapat ay magboluntaryo na si Llamas na umalis sa gobyerno dahil ito na ang ikalawang pagsablay niya.
Ang una ay nang bumangga ang kanyang Mitsubishi Montero sa Commonwealth Ave., sa Quezon City kung saan nakita ang isang Czech-made CZ-858 Tactical semi-automatic assault rifle.
“He should resign for this another incident. Dumadami na ang ‘kaliwa’ sa Malacañang,” ani Alcover.
Nakuhanan ng litrato si Llamas habang namimili ng pirated DVD sa Circle C mall sa Congressional Avenue, Quezon City.
Ayon naman kay House minority leader Danilo Suarez dapat mayroon gawin si Pangulong Aquino sa insidenteng ito.
“Those two actions should be given some action by the administration kasi masamang ehemplo ‘yan,” dagdag pa ni Suarez.
Kung makakasuhan si Llamas dapat umano siyang isailalim sa preventive suspension, ayon kay Siquijor Rep. Orlando Fua.
Nakatakda namang ipatawag ni Pangulong Aquino si Llamas upang alamin kung totoo na bumibili ito ng pirated DVDs bago siya magdesisyon kung dapat itong patawan ng parusa. (Butch Quejada/Gemma Garcia/Rudy Andal)
- Latest
- Trending