Phl wagi sa Guinness 'biggest exchange gift'
MANILA, Philippines - Muling nailagay sa talaan ng Guinness World Records ang Pilipinas matapos na makopo nito ang pinakamataas na bilang ng mga partisipante mula sa mga overseas Filipino workers at kanilang mga pamilya sa isinagawang “biggest exchange gift” sa Rizal Memorial Sports Stadium kahapon ng hapon.
Dakong ala-1 ng hapon nang simulan ang magkakahiwalay na event o gift giving activities sa 11 pang venue sa Metro Manila, Cebu at Davao. Ang Globe Telecom ang boluntaryong nangasiwa sa pocket gift-giving activities sa nasabing mga hiwalay na lugar.
Kasabay din ito sa isinagawang exchange gifts ng mga OFWs sa Hong Kong na may 1,100 participants at mahigit 300 sa Taiwan.
Ang biggest exchange gift ay inorganisa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamumuno ni Administrator Carmelita Dimzon na sinaksihan ng mga kinatawan ng Guinness.
Alas-3:30 ng hapon nang sabay-sabay na nagpalitan ng regalo ang mga kalahok sa Rizal Stadium at 11 pang lugar sa bansa.
Alas-5 ng hapon nang pormal na ianunsyo ni Guinness World Records adjudicator Jack Brockbank na nakapagtala ang Pilipinas ng 4,385 na nakiisa sa exchange gifts na malaki ang agwat sa bansang United Kingdom na huling nagtala lamang ng 1,562 participants sa kanilang ginawang “Secret Santa” na inorganisa ng UK-based tv network ITV noong Disyembre 5, 2011.
Ayon kay Dimzon, malaki ang naiambag ng mga OFWs at kani-kanilang pamilya upang makuha ng Pilipinas ang rekord bilang ‘biggest exchange gifts” sa buong mundo.
- Latest
- Trending