Eroplano bumagsak: 13 patay!
MANILA, Philippines - May 13 katao ang namatay habang walo ang sugatan nang bumagsak ang isang 6-seater, twin-engine Beechcraft sa mataong lugar na lumikha pa ng matinding sunog sa may Better Living Subdivision, Parañaque City ilang minuto bago ito mag-take-off sa runway ng Old Manila Domestic Airport, kahapon ng hapon.
Kinilala ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Ramon Gutierrez ang dalawa sa tatlong sakay ng Queen Air, Beechcraft na may Registry Number RPC-824 at pag-aari ng Aviation Technology Inc. na sina Capt. Timoteo Aldo, piloto at isang Jesse Kim Lustica, co-pilot na kapwa namatay sa aksidente.
Hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng isa pang sibilyan na kasama nila na sinasabing nakatalon umano bago pa bumagsak at sumabog ang eroplano.
Sinabi ni Gutierrez, may mga sakay na aviation gas ang eroplano kaya malakas ang pagsabog at pagkalat ng apoy sa lugar na pinangyarihan.
Ayon sa report, dakong alas-2:08 ng mag-take-off ang eroplano sa runway 31 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong San Jose, Mindoro Occidental via Roxas City.
Nakapag-radyo pa ang piloto sa Manila Control Tower sa NAIA ilang minuto matapos itong lumipad at humihingi ng ‘emergency re-landing’ pero hindi na ito sumasagot ng kontakin nila dakong alas-2:11 ng hapon hanggang sa tuluyang bumulusok at bumagsak sa Lower Taiwan St., sa nasabing subdivision. Nadamay din ang katabing Felixberto Serrano Elementary School at nasunog ang 17 silid-aralan.
Nabatid naman kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., lima sa mga bangkay ay narekober na sunog at halos hindi na makilala sa crash site. Karamihan sa mga biktima ay mga residente sa slum areas na ikinasunog ng mahigit 70 kabahayan sa lugar.
Habang isinasagawa ang search and retrieval operations ay narekober ang iba pang mga bangkay na kinabibilangan ng mga bata.
Habang sinusulat ang balitang ito, inaalam pa ang mga pangalan ng iba pang biktima.
Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon na nagkaroon ng problema sa makina ang nasabing light aircraft.
Isang masusing imbestigasyon na ang isinasagawa ng mga tauhan ng CAAP aircraft accident investigation group para malaman kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng Beechcraft.
- Latest
- Trending