De Lima sinabon ng SC
MANILA, Philippines - Nasabon, nasupalpal at ginisa pa ng husto si Justice Secretary Leila de Lima nang siya ang isalang sa pagpapatuloy ng oral argument kahapon sa Korte Suprema.
Sa pagtatanong ni SC Justice Teresita de Castro, kaugnay sa kinukuwestiyong legalidad ng kapangyarihan ng Department of Justice (DOJ) na magpalabas ng watchlist order at hold departure order, tahasang sinabihan ng mahistrado si de Lima na ang paraan umano nito sa pag-iinterpret ng batas, ay mistulang mas mataas pa siya sa hukuman.
Iginiit ni de Castro na bago ang pag-iisyu ng HDO, kailangang may nakasampa nang kaso sa korte, subalit sa ilalim naman ng Department Circular 41 ng DOJ, nakadepende nang husto ang discretion sa pagpapalabas ng WLO.
Marami pang sinilip kay de Lima si de Castro tulad nang pag-uungkat nito sa hindi pagsunod ng DOJ sa ipinalabas na temporary restraining order ng SC na pumipigil sa bisa ng watchlist order ng kagawaran laban sa mag-asawang Gloria at Mike Arroyo.
Para kay de Castro, hindi sapat ang ibinabatong dahilan ni de Lima na siya ay maaring masisi sakaling makalabas ng bansa ang mga Arroyo dahil nag-acquire na ng jurisdiction sa nasabing usapin ang kataas-taasang hukuman, nang may iapela sa kanila ang kampo ng mga Arroyo.
- Latest
- Trending