Pinoy bibitayin sa China sa Dis. 8!
MANILA, Philippines - Nakatakdang bitayin sa China ang isang Pinoy matapos katigan ng korte ang hatol na kamatayan dahil sa pagpuslit ng droga sa naturang bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), itinakda sa Disyembre 8 ang pagbitay sa 35-anyos na lalaking OFW na nahulihan ng 1.495 kilo ng heroin.
Iginagalang naman ng Pilipinas ang batas sa China at ipinapaabot ang pakikisimpatya sa pamilya ng drug convict.
Kumpiyansa rin ang Malacañang na walang epekto sa relasyon ng Pilipinas at China ang panibagong pagbitay sa Pilipinong nahatulan sa drug case.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ginawa na ng gobyerno ang lahat nang legal na paraan para mailigtas ang buhay ng Pinoy sa death row.
Ayon kay Sec. Lacierda, sumulat na rin si Pangulong Aquino kay Chinese Pres. Hu Jintao at lahat ng representation ay ginawa na ng embassy at DFA officials sa pangunguna ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario.
“President Aquino has sent a letter of appeal to Chinese President Hu Jintao requesting commutation of his death penalty to life imprisonment,” bahagi ng DA statement na binasa ni Lacierda. “The penalty will be carried out on December 08.”
Gayunman inihayag din ng Office of the Vice President na malaki ang posibilidad na tumulak patungong China si VP Jejomar Binay para i-apela ang kaso.
Ayon kay Joey Salgado, media officer ni Binay, inatasan na ang Bise Presidente na siya ring Presidential adviser on OFWs, ni Pangulong Aquino na tumungo sa China at iapela ang kaso.
Nahulihan ang nasabing Pinoy ng may 1.495 kilo ng heroin sa Guangxi noong Setyembre 13, 2008 habang papasok sa Guilin International Airport mula Malaysia.
Sinabi ni Hernandez na na-impormahan na nila ang pamilya ng nasabing Pinoy at inaayos na ng DFA na makapunta sila sa China.
Nitong Marso, binitay din sina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain na pawang nahaharap sa kaso ng droga sa China.
Nauna ng inihayag ng DFA na aabot sa 220 Filipino ang nakakulong sa China dahil sa droga.
- Latest
- Trending