GMA resign sa Kamara tablado
MANILA, Philippines - Sinopla ni House Speaker Feliciano Belmonte ang suhestiyon ng mga kapwa nito mambabatas na magbitiw na lamang sa puwesto si Pampanga Rep. Gloria Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.
Paliwanag ni Belmonte hindi ngayon ang tamang panahon upang magbitiw si Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga dahil presumed innocent pa ito hanggang hindi pinal na nahahatulan ng korte.
Inihalimbawa din ng Speaker na may ilan nang kongresista ang naharap sa ibat ibang kaso subalit hindi naging opsyon ang pagre-resign.
Giit pa nito na ang isyu ng resignation ay personal na desisyon din ng dating pangulo at hindi ito maaring ipilit dito ng sinuman.
Naniniwala din si Belmonte na hindi nagdudulot ng kahihiyan o kasiraan sa Kamara si GMA dahil ang alegasyon dito ng pandaraya sa eleksyon ay nangyari noong hindi pa ito miyembro ng Kamara.
Ang pahayag ni Belmonte ay kaugnay sa panawagan ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino na magbitiw sa puwesto si Arroyo dahil hindi na umano nito kayang gampanan ang tungkulin matapos itong ma-hospital arrest.
Hindi rin nakikita ni Belmonte ang pangangailangan na magtalaga ng caretaker sa distrito ni Arroyo dahil kontrolado pa naman umano ng huli ang distrito nito. (Gemma Garcia/Butch Quejada)
- Latest
- Trending