Kasambahay Bill gawing Pamasko sa house helpers
MANILA, Philippines - Magiging isang magandang Pamasko umano sa mga kasambahay kung magiging ganap na batas sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ang Kasambahay Bill na matagal ng naipasa sa Senado pero nakabinbin pa sa House of Representatives.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, matagal na niyang kinakalampag ang Kamara para agarang maipasa ang Kasambahay Bill.
Nag-lobby na rin umano si Estrada sa counterpart niya sa Kamara na si Rep. Emil Ong, chairman ng House Committee on Labor na nangako naman na isusulong ang mabilisang pagpasa ng panukala upang hindi masayang ang ginawang pag-apruba ng Senado.
Sa pumasang panukala sa Senado na tatawaging “Act of Providing for Additional Benefits and Protection to House Helpers,” gagawing P2,500 ang minimum na sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila at P2,000 sa mga chartered cities at first class municipalities, at hindi dapat bumaba sa P1,500 para sa mga third class municipalities.
Sa ilalim ng panukala, magiging mandatory ang pagbabayad ng mga employers ng premiums ng kanilang mga kasambahay para sa SSS, PhilHealth, PAGIBIG at Employees Compensation Commission.
Nais rin nitong magkaroon ng mandatory contract sa pagitan ng employer at ng kasambahay.
Dapat rin umanong matiyak na may sapat na pagkain at maayos ang living conditions ng mga kasambahay.
- Latest
- Trending