Bautista bagong Army chief
MANILA, Philippines - Nakapili na si Pangulong Aquino ng bagong Army chief sa katauhan ni Maj. Gen. Emmanuel Bautista.
Si Bautista ang ika-54 na PA chief at ikalawang Army chief na itinalaga ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, sa araw na ito magsisimula ang pamumuno ni Bautista bilang commanding general ng Philippine Army kapalit ng nagretirong si Maj. Gen. Arturo Ortiz.
Kasalukuyang commander ng 3rd Infantry Division (ID) ng Philippine Army si Bautista na responsable sa internal peace and security operations sa region 6 at sakop ang lalawigan ng Negros Oriental at Siquijor sa region 7.
Ang susunod na PA chief ay miyembro ng PMA Class 1981 at ang turn over ay isasagawa ngayon sa PA headquarters sa Fort Bonifacio, Makati City.
Si Bautista ay anak ng nasawing si dating Brig. Gen. Teodulfo Bautista na napatay ng mga rebeldeng Muslim na nagpanggap na susuko sa pamahalaan matapos itong ratratin kasama ang iba pang sundalo sa Patikul , Sulu noong Oktubre 10, 1977. (RudyAndal/Joy Cantos)
- Latest
- Trending