Seaweed susi sa kapayapaan sa Mindanao
MANILA, Philippines - Malaki ang potensyal ng ‘seaweed’ o gulay ng dagat upang makapaghatid hindi lamang kabuhayan kundi maging ng kapayapaan sa ating mga kababayan sa Mindanao.
Sa programang CNEX na ginanap sa Philippine Information Agency, sinabi ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala na nais pang palaguin ng administrasyon ng Pangulong Aquino ang tinatayang P9-bilyong pambansang industriya ng seaweed production sa naturang rehiyon upang mapakinabangan nang higit na nakararaming residente.
Ani Alcala, personal niyang napatunayan na mas naging mapayapa ang probinsya ng Tawi-Tawi sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dahil laganap na rin dito ang pag-aalaga ng seaweed na pinagkakakitaan ng mga taga-roon.
“Sa Tawi-Tawi po ay grabe ang dami ng mga tao na nag-aalaga ng seaweed at mayroon silang livelihood,” anang kalihim.
Sa datos ng DA, ang seaweed ay isa sa Top 10 export product ng Pilipinas kada taon. Top producer din ang bansa ng carageenan (34,500 metriko tonelada kada taon) na isang pangunahing sangkap na nagmumula sa seaweed at ginagamit sa paggawa ng mga processed food, toothpaste, gamot at jelly.
- Latest
- Trending