Peru dengue mosquito mas mapanganib - DOH

MANILA, Philippines - Puspusan ang ginagawang pagbabantay ng Department of Health (DOH) laban sa mas mapanganib na lamok dengue (Aedes aegypti) mula sa bansang Peru na nakakapamugad sa maruruming tubig na gaya ng kanal at poso negro.

Sa programang Talking Points na ginanap sa Philippine Information Agency, tiniyak ni DOH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na pinagha­handaan na ng administrasyong Aquino, partikular ng kanilang ahensya, ang banta ng naturang lamok matapos matuklasan na nagagawa nitong magparami sa kabila nang kawalan ng malinis na tubig na mapangingitlugan.

“Nababahala kami, sapagkat sa bansang Peru, halimbawa, ay naiulat lamang na mayroon silang natagpuan na Aedes aegypti sa septic tank,” ani Tayag.

Sa kabila nito, sinabi pa rin ng opisyal na naka-alerto ang DOH sa posibleng kahalintulad na “adaptation” ng mga lokal na lamok dengue sa ating bansa. Aniya, puspusang binabantayan ng kanilang ahensya ang “babaeng lamok sa septic tank.”

Gayunpaman, ibinalita rin ni Tayag na higit na bumaba ang kaso ng dengue ngayong 2011 kumpara noong nakaraang taon.

Aniya, base sa ka­ni­lang datos nitong Oktubre 22, umabot lamang sa 97,158 ang kaso ng dengue sa buong bansa kumpara sa 153,906 na naitalang kaso noong 2010 na may katumbas na pagbaba na 37-por­syento.

Show comments