MANILA, Philippines - Dahil sa matinding delubyo na inaabot ng Thailand bunga ng matinding pagbaha at pag-apaw ng kanilang ilog sa Bangkok, pinapayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy sa nasabing rehiyon na lumikas at huwag munang bumiyahe at tumungo sa mga apektadong lugar doon.
Base sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok sa DFA, inutos na ng mga top officials sa Bangkok na lisanin ng mga residente ang mga lugar malapit sa Chao Phraya river dahil sa pangambang matinding pag-apaw nito hanggang sa Nobyembre 1 sa nasabing lungsod.
“The extent of the flooding situation in Bangkok is changing very rapidly. No one is certain what would happen between today and November 1, when the flooding is expected to peak due to the high tides and the large volume of water flowing from the northern provinces through the Chao Phraya river, which is now traversing Bangkok itself,” ayon sa Embahada.
Nagbabala ang Thailand authorities na ilikas lahat ang mga kagamitan ng mga apektadong residente sa mas mataas na lugar bunsod ng posibilidad na pagbaha at flashfloods.
Bunsod ng nararanasang pagbaha sa Bangkok ay sinuspinde na ang transport services sa ilang lugar sa Bangkok. Maging ang bus at train stations ay pumalya dahil na rin sa matinding pagdagsa ng mananakay na nagpupumilit na makalikas sa siyudad.
“Suvarnabhumi International Airport has also been jam-packed with people flying out of Thailand or to other provinces that are not flooded,” ayon sa Embahada.
Pinapayuhan din ng Embahada ang mga Pinoy na nasa Thailand na mag-stock ng pagkain at tubig na inumin, panatilihing laging bukas ang kanilang linya ng komunikasyon at kumontak sa Emabahada kung sa tingin nila ay nalalagay sila sa panganib o delikadong sitwasyon.