Bagong watchlist order vs Arroyos, et al inilabas ng DOJ
MANILA, Philippines - Muling nagpalabas ng watchlist order ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga sangkot sa umano’y electoral sabotage na iniimbestigahan ng DOJ-Comelec Preliminary Investigation Committee kaugnay ng 2007 elections.
Sa ipinalabas na WLO ni Chief State Counsel Ricardo Paras kahapon, kasama sa 60 araw na WLO sina Arroyo, asawang si Mike, dating Comelec chairman Benjamin Abalos, dating Comelec commissioner Nicodemo Ferrer, dating Justice Secretary Alberto Agra, dating political adviser Gabriel Claudio, dating Maguindanao provincial election supervisor Lintang Bedol at 33 iba pa.
Samantala, mismong mga kaalyadong senador ni Pangulong Aquino ang nagsabi na iligal ang watchlist order na ipinalabas ng DOJ laban sa mag-asawang Arroyo at ilan pang may kaugnayan sa electoral sabotage.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, labag sa Konstitusyon ang nasabing WLO na maihahalintulad na rin sa hold departure order dahil ginagarantiyahan ng Konstitusyon na makapagbiyahe ang bawat mamamayan.
Maging si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay kinuwestiyon ang nasabing HDO na tanging korte lamang ang maaaring magpalabas.
“The power to issue hold departure order is vested only in the courts, walang poder ang sinumang executive o administrative body na mag-isyu n’yan, walang batas na nag-o-authorize sa kanila na gawin yan, ang pinanghahawakan ng DOJ sa ngayon ay isang circular na inisyu pa ni dating Secretary Agra sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Arroyo, isa ito sa mga mapang-api na regulasyon at circular na inisyu ng nakaraang administrasyon na hindi na dapat ginagamit ng kasalukuyang administrasyon,” sabi ni Escudero.
Sinabi naman ni House senior deputy minority leader Danilo Suarez na kahit na isailalim sa watchlist order si GMA ay maari pa rin itong makapagpagamot sa labas ng bansa.
Giit ni Suarez, hindi naman ito ang unang pagkakataon na mayroong dating presidente ng Pilipinas na nakasuhan dahil noong nakakulong si dating Pangulong Joseph Estrada ay pinayagan itong makapagpagamot sa labas ng bansa.
Gayundin si Ninoy Aquino na kahit mayroong mga espesyalista sa sakit sa puso dito sa Pilipinas ay pinayagan pa rin ni dating pangulong Ferdinand Marcos na magpagamot sa Estados Unidos.
Maituturing umano na “unchristian” ang ginagawa ng Aquino administration kay GMA dahil mistulang hinahadlangan ng mga ito ang pagpapagamot ng dating pangulo.
- Latest
- Trending