Konkretong kalsada aabot nang 15 taon

MANILA, Philippines - Aabot nang hanggang 15 taon ang tibay ng mga konkretong kalsada na ilalatag sa panahon ng pamamahala ni Pangulong Aquino, pagtitiyak ni Public Works Secretary Rogelio Singson.

Sa programang CNEX-Talking Points na ginanap sa Philippine Information Agency, siniguro ni Singson na matibay ang mga inilalatag na konkreto at inaspaltong kalsada ng kanilang tanggapan na hindi na ito mangangailangan pa ng agarang pagkukumpuni sa ilalim ng normal na kondisyon.

“Pag maganda ang kalye, dapat 10 to 15 years ay hindi mo inaayos yan,” paliwanag ni Singson.

“Pag aspalto dapat 10 to 12 years na hindi mo na ginagalaw,” sabi ng kalihim.

Sa kanyang pagham­bing sa mga inabutang proyekto mula sa nakaraang administrasyon, sinabi ni Singson na ang ilan pa nga sa mga naunang proyekto ay agad nang bu­mibigay at nanga­ngailangan ng pondo para makumpuni sa loob lamang ng dalawang taon.

“Hindi ito acceptable para sa akin,” giit ni Singson kasabay nang sabing mas makatitipid ng pondo ang pamahalaan kapag higit na nagtatagal sa gamit ang mga proyektong pang-imprastraktura

Patunay aniya sa quality assurance na ipinatutupad ng DPWH ang pagkaka-black list kamakailan ng dalawang contractor dahil sa pagsuplay ng mga ito ng substandard na aspaltong ginamit sa pagsasaayos ng Osmena (Buendia) Flyover sa Makati City.

Show comments