OFWs makikinabang sa pagkamatay ni Gadhafi
MANILA, Philippines - Maraming Filipino ang makikinabang sa pagkamatay ni Moammar Gadhafi dahil sa sandaling maibalik ang kaayusan sa Libya ay makakabalik na muli sa kanilang mga trabaho ang mga overseas Filipino workers sa Libya na pinaniniwalaang aabot sa 30,000.
Ayon kay Sen. Manny Villar, tiyak na mas nanaisin ng mga dating OFWs sa Libya na bumalik sa kani-kanilang trabaho dahil mas malaki ang tinatanggap nilang sahod sa nasabing bansa. Tiyak din aniyang maraming trabahador ang kakailanganin ng Libya dahil sa gagawin nilang reconstruction pagkatapos ng giyera.
Pero dapat pa rin umanong mag-ingat ang gobyerno sa muling pagpapadala ng mga OFWs sa nasabing bansa hangga’t hindi nakatitiyak na ligtas ang magiging pagta-trabaho nila.
“But of course, we should still be careful dahil hindi pa naman agad matatapos iyan, meron pa ring kaunting gulo. Hintayin pa rin natin. Pero ang nakikita kong pangmatagalan pananaw dyan ay maganda dahil maraming langis ang Libya at marami silang kakailanganing Pinoy pagdating ng araw,” sabi ni Villar.
Umabot sa 30,000 OFWs ang dating nagtatrabaho sa Libya pero umuwi ng bansa ang karamihan dahil sa sumiklab na kaguluhan.
- Latest
- Trending