AFP demoralisado na
MANILA, Philippines - Demoralisado na ang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Western Mindanao partikular na sa Basilan at Zamboanga Peninsula matapos ang serye ng mararahas na pananambang ng Moro Islamic Liberation Front.
Ito ang inamin ni Brig. Gen. Jose Mabanta Jr., Deputy Chief of Staff for Operations (J3) ng AFP matapos ang command conference kay Pangulong Aquino kahapon.
“Yes we heard those reports (demoralized soldiers) it’s really sad what happened but we have to move on,” ani Mabanta.
Sa kabila na gigil na gigil na ang mga sundalong umatake sa Al Barkha, Basilan sinabi ni Mabanta na walang utos ang Pangulo na lusubin ang MILF dahil sa umiiral na ceasefire kaugnay sa isinusulong na peace talks ng gobyerno sa naturang rebeldeng grupo.
Sa halip, sinabi ni Mabanta na iniutos ni PNoy sa tropa ng militar na rebisahin ang mga kritikal na lugar na pinamumugaran ng MILF.
Inihayag ng opisyal na ipinarating nila kay PNoy ang kahandaan ng AFP na tugisin ang mga rebeldeng MILF na nakipagsabwatan sa Abu Sayyaf sa ambush na nauwi sa engkuwentro sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 19 na ikinasawi ng 19 sundalo habang 14 pa ang nasugatan.
Samantala sa panibagong magkakahiwalay na pananambang ng MILF sa tropang gobyerno sa Zamboanga Sibugay ay apat na sundalo at tatlong pulis ang napaslang habang nasa 10 pa ang nasugatan.
Pinagpapaliwanag naman ng AFP ang MILF kung bakit hindi nito nagawang kontrolin ang kanilang mga tauhan na nasangkot sa pag-ayuda sa Abu Sayyaf sa nangyaring bakbakan.
- Latest
- Trending