Gadhafi binaril sa ulo matapos na maaresto!
MANILA, Philippines - Binaril sa ulo si dating Libyan President Moammar Gadhafi matapos itong maaresto sa isang engkuwentro sa kanyang hometown sa Sirte kamakalawa ng gabi.
Sa isang video footage na inere ng ilang Arab satellite TV stations, lumalabas na buhay pa si Gadhafi bagaman duguan at sugatan at nakasadsad sa isang sasakyan habang kinukuyog ng mga Libyan fighters.
Makikita sa video na hindi na pumapalag pa si Gadhafi habang sumisigaw nang siya ay kuyugin ng mga rebelde. Nagawa pang pahirin ng kanyang kamay at tingnan ang dugo na umaagos sa mukha nito dahil sa tinamong sugat subalit nakakalakad pa ito habang inilalayo sa lugar.
Sa bersyon ni Libyan Prime Minister Mahmoud Jibril, na nasa executive committee ng National Transitional Council (NTC), armado pa umano si Gadhafi ng baril subalit hindi nito ipinutok. Nagawa pa umanong magtago ni Gadhafi sa isang drainage hole upang takasan ang mga umaatakeng rebelde sa isang crossfire nang siya ay matagpuan hanggang sa hugutin ng mga rebelde.
Ipinakita naman sa isang video footage na patay na si Gadhafi habang duguan ang mukha matapos na hindi na umano ito umabot nang buhay habang isinusugod sa isang ospital sa Misrata mula Sirte.
Tatlong oras matapos ianunsyo ng NTC ang pagkaka-aresto kay Gadhafi ay kinumpirma rin nila na patay na ito at maging ang kanyang anak na si Mutassim ay patay din una ring ibinalita na naaresto ng mga rebelde.
Hindi mabatid kung sino ang bumaril sa mga rebeldeng Libyano kay Gadhafi sa ulo at sa anak nito.
May ulat din na sadyang pinatay si Gadhafi bagaman nahuling buhay upang matuldukan na ang matinding tensyon at labanan sa Libya.
Unang lumabas sa ulat na pinatamaan ng NATO warplanes ang convoy si Gadhafi habang patakas ito sanhi upang malubhang masugatan hanggang sa maaresto. Natagpuan umano ang dating Libyan president sa isang butas at nagawa pang magmakaawa sa mga rebel fighters na huwag siyang barilin.
Magugunita na naglaan ng $1.7 milyon ang NTC sa sinumang makakahuli kay Gadhafi buhay man o patay.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pagbati ang iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas sa tagumpay ng mga Libyano bunsod sa pagkakapatay kay Gadhafi na namuno ng 42 taon.
- Latest
- Trending