Singil sa kuryente aakyat pa sa P3/kwh
MANILA, Philippines - Hindi pa tapos ang kalbaryo ng bawat tahanan sa napakataas na singil sa kuryente makaraang ibulgar ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na maaari pa itong umakyat ng hanggang P3 kada kilowatt hour kung maaaprubahan ang mga nakabinbing petisyon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Sinabi ni Ricardo Reyes, tagapangulo ng FDC, santambak pa ang petisyon na pinag-aaralan ng ERC buhat sa Manila Electric Company (Meralco) at iba pang power distributors na hinihiling ng sari-saring pagtataas partikular sa “generation charge”.
Dahil sa pagiging maluwag umano ng ERC, nangangamba ang FDC na maaprubahan ang lahat ng naturang petisyon na may katumbas na P3 kada KwH. Kapag nangyari umano ito, malaki ang posibilidad na maungusan ang Germany at Denmark sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong mundo.
Nanawagan si Reyes sa administrasyong Aquino na ibasura na ang Epira Law na bigo umano sa layunin na mapababa ang singil sa kuryente at makahikayat ng mga investors sa sektor ng kuryente.
Isa pa umano sa labis na nagpapalaki sa singil sa kuryente ngayon ay ang pagpapatong sa publiko ng utang ng National Power Corporation simula noong taong 2001. Nakapagtataka umano na sa halip na mabawasan ang dating US$16 bilyong utang, lumobo pa ito sa US$17 bilyon ngayong 2011 kahit na pinagbabayad dito ang publiko sa buwanang bill sa kuryente.
Kasama pa umano sa misteryo ay 91% na umano ng mga planta ng Napocor ay naibenta at naisapribado na habang hindi naman mabatid kung saan napupunta ang perang napagbilhan.
- Latest
- Trending