Buwis ng SMI malaking tulong sa S. Cotabato
MANILA, Philippines - Inihayag ni South Cotabato Provincial Treasurer Elvira Rafael na malaki ang iniangat ng real property tax (RPT) ng lalawigan at maging ang Tampakan sanhi ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI) na nakabase sa nasabing bayan.
“Sa RPT nagmumula ang pangunahing kita ng lalawigan kaya malaking tulong na nasa Tampakan ang SMI maliban sa iba pang kompanya na nakabase sa South Cotabato,” ani Rafael.
Kinilala kamakailan ng munisipalidad ng Tampakan at South Cotabato ang SMI bilang pangunahing corporate taxpayer para sa taong 2008 hanggang 2010.
Ayon kay Rafael, nakakakuha ang lalawigan ng 35% mula sa RPT ng SMI samantalang ang bayan ng Tampakan ay may bahaging 40% at ang barangay na kinaroonan ng pasilidad nito ay 25% naman.
Pinansin ni Rafael na sa dami ng delingkwenteng magbayad ng buwis, malaking tulong ang mga kompanyang tulad ng SMI sa kanilang pagsisikap na mapataas ang kita ng lalawigan dahil maaga itong nagbabayad ng RPT.
- Latest
- Trending