Gov't lugi sa DBP behest loans
MANILA, Philippines - Nalugi umano ng malaking halaga ng pondo ang pamahalaan dahil sa naganap na pagpapautang ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa kumpanya ng negosyanteng si Roberto Ongpin sa pamamagitan ng behest loans.
Sa ginanap na Senate hearing ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Teofisto Guingona, sinabi ni Aurita Villosos, internal audit ng DBP, nakita nila na may mga iregularidad sa pagbibigay ng behest loans kay Ongpin.
Nabigyan umano ng loans ang kompanya ni Ongpin kahit na nakapagtala sila ng pagkalugi sa kanilang operasyon noong 2008.
Sinabi pa nito na nabigyan ng mababang fixed interest rate ang kumpanya ni Ongpin, ang Delta Venture Resources Inc. (DVRI), kahit na may DBP circular na nagbabawal sa ganitong arrangement.
Si Ongpin at dating DBP president Reynaldo David ay pawang miyembro ng Philex board noong aprubahan ang loans.
Noong 2009, nagpalabas umano ang DBP ng P660 milyon pautang sa kumpanya ni Ongpin, ang DVRI at ang naturang pondo ay ginamit naman sa pagbili ng Philex Mining Corp. shares na makaraan ang ilang taon ay naibenta naman sa mas mataas na halaga.
Pero sinabi ni David sa pagdinig na walang iregularidad sa transaksiyon ng DBP at DVRI dahil masusi umano itong pinag-aralan bago aprubahan.
Ayon pa kay David, above board ang naturang loan at walang paglabag sa polisiya ng DBP maging sa guidelines ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Una rito, inisnab naman ni Guingona na basahin sa komite ang sulat na tanging naipadala ni Ongpin sa komite at hindi ito dumalo sa pagdinig dahil daw sa nasa abroad ito.
Ayon kay Guingona, bubusisiin nila si Ongpin, oras na ito ay nasa bansa na.
Ayon naman kay Alex Poblador, abogado ni Ongpin, lumabas ng bansa ang kanyang kliyente noong Setyembre 23, o bago nila matanggap ang imbitasyon ng komite. Sa Oktubre 25 pa ang balik nito sa bansa.
Nagkaroon ng interes ang Senado na imbestigahan ang isyu sa DBP matapos ang umano’y pagpakamatay ni Atty. Benjamin Pinpin na sinasabing iniipit umano ito ng kasalukuyang board ng DBP para idiin ang nagdaang mga opisyal sa ilang anomalya.
- Latest
- Trending