Pagrarasyon ng tubig posibleng maulit
MANILA, Philippines - Nangangamba ang National Water Resources Board (MWRB) na maulit ang pagrarasyon ng tubig noong 2010 kapag pinayagan ang Angat dam na mag-release ng maraming tubig gaya ng ginawa nito noong kasagsagan ng bagyong Pedring.
Ayon kay NWRB deputy executive Director Atty. Nathaniel Santos, matapos ang bagyong Pepeng noong 2009, hinayaan nila na magpakawala ng tubig ang Angat dam sa pangambang masira ito subalit sumobra naman ito.
Dahil dito, naapektuhan ang Metro Manila at hindi na ito nakapagsuplay ng tubig kung kaya nagkaroon ng pagrarasyon noong nakaraang taon.
Sabi pa ni Santos, maraming stakeholder ang nasa Angat dam kaya pinag-aaralan nila ng husto kung dapat na magpakawala ito ng tubig o hindi.
Ilan aniya sa mga pinaggagamitan ng tubig sa Angat ay ang pagsusuplay sa mga residente sa Metro Manila, sa hydro power plant at irigasyon.
Ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit at Marilao sa lalawigan ng Bulacan ang sinasabing pinakagrabeng sinalanta ng lagpas taong baha na sanhi umano ng pagpapakawala ng tubig mula sa Angat at Ipo dam.
- Latest
- Trending