MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang Provincial Director ng Surigao del Norte at dalawa pang opisyal matapos mapuntusan sa raid ng may 200 rebeldeng New People’s Army (NPA) na nanunog ng tatlong minahan sa bayan ng Claver sa lalawigan nitong Lunes.
Kinilala ang mga sinibak na sina Sr. Supt. Emmanuel Talento, director ng Surigao del Norte Provincial Police Office (PPO); Supt. Rudy Cuyop, Commander ng Provincial Public Safety Company (PPSC) at Insp. Diomedes Cuadra, hepe ng Claver Police.
“Ni-relieve ko na sila and I have ordered for an investigation and why they were not able to detect a large formation of the NPA,” ani Bartolome na ipinunto pang araw ng isagawa ang pag-atake pero hindi agad nakaaksyon ang mga pulis sa lugar na sinaklolohan ng reinforcement troops ng Philippine Army at ng Police Regional Mobile Group.
Kasabay nito, kinondena rin ng PNP Chief ang panununog ng NPA rebels sa mga heavy equipment, istraktura, gusali, upisina at iba pa na ayon sa ulat ng Surigao Police ay umaabot na sa kabuuang P 2 bilyon ang pinsala sa nasabing raid.
Sinabi ni Bartolome na ipinasisiyasat na rin niya ang posibleng kapalpakan sa intelligence ng mga pulis sa Surigao del Norte kaya nalusutan ng communist rebels.
Isa pa sa bumulaga sa PNP ay ang pananambang sa convoy ni Police Regional Office (PRO) 13 Chief Supt. Reynaldo Rafal sa Kitsaro, Agusan del Norte na may ilang metro lamang ang layo sa inatakeng mga mining company. Ang heneral ay masuwerte namang nakaligtas sa insidente.