MANILA, Philippines - Pinakawalan na ng mga pirata ang may 14 tripulanteng Pinoy na dinukot sa karagatang sakop ng Togo sa West Africa kamakailan.
Kinumpirma ni Ambassador Carlos Salinas ng Embahada ng Pilipinas sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa maayos nang kondisyon ang 14 Pinoy sakay ng MT Matheos I at patungo na umano sa isang neutral port matapos na palayain ng mga hinihinalang piratang Nigerian.
Ang MT Matheos I, isang Cyprus-flagged at Norweigian manage tanker ay hinayjack noong Setyembre 14, 2011 sa Lome, Togo sakay ang 23 crew na kinabibilangan ng 14 Pinoy, mga Spanish, Peruvian at Ukrainian habang nagdidiskarga ng krudo sa isa pang barko sa Gulf of Guinea.
Inutos na ni DFA Secretary Albert del Rosario na agad iproseso ang repatriation o pagpapauwi ng mga nakaligtas na Pinoy sa Manila.
Walang inihayag ang DFA kung may ransom na ibinigay sa mga abductors kapalit ng kalayaan ng mga Pinoy na bihag.
Sa huling tala ng DFA, may 32 Pinoy seamen pa sakay ng limang barko ang nananatiling hawak ng mga pirata sa Somalia habang sa West Africa ay 2 Pinoy ang patuloy na nawawala.