PEPT exam, itinakda ng DepEd
MANILA, Philippines - Itinakda ng Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ng National Education Testing and Research Center sa Nobyembre ang eksaminasyon ng Philippine Educational Placement Test (PEPT) para sa mga out-of-school youth sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, ang PEPT para sa Luzon ay isasagawa sa Nobyembre 20, 2011 habang ang para sa Visayas at Mindanao ay isasagawa naman sa Nobyembre 27, 2011.
Sinabi ng kalihim, layunin ng PEPT na mabigyan ng pagkakataon ang mga out-of-school youth na makabalik sa formal school system kung nais ng mga ito.
Target ng PEPT ang mga kabataan na may isang taon nang nag-dropout mula sa elementary at secondary schools, ang mga hindi pa nakapasok sa formal school ngunit kaya namang magbasa at magsulat, o di kaya’y ang mga nagtatrabaho na ngunit kinakailangang mapataas ang antas ng kanilang academic level.
Sinabi ni Luistro, kinakailangan lamang ng mga aplikante na magdala ng kanilang birth certificate na inisyu ng National Statistics Office (NSO) o ng Local Civil Registrar na authenticated, 2 pirasong ID picture at bagong 1x1 na larawan, gayundin ng school record tulad ng Form 137 (Transcript of Records) at Form 138 (Report Card), na may school seal at lagda ng principal o registrar.
Ang mga PEPT takers ay kinakailangan rin magbayad ng P50 para sa regular na pagsusulit na ibinibigay tuwing Nobyembre at P200 para sa walk-in o special administration na isinasagawa mula Enero hanggang Hunyo sa DepEd Cetral Office sa Pasig City.
- Latest
- Trending