2-anyos bata sinakal ng lampin, nilunod

MANILA, Philippines - Isang dalawang taong gulang na bata ang sinakal muna ng lampin bago nilunod sa isang palangganang tubig ng manliligaw ng kanyang tiyahin, na umano’y napikon matapos paalisin ng kaniyang nililigawan sa Pasig City kahapon ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Mark Keisha Magbanua, 2, ng Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City. Arestado naman ang suspek na si Ariel Pangarungan, 21, ng Mapayapa compound nasabing lungsod.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO3 Roger Villanueva ng Pasig City Police, mag-aala-una ng hapon nang matagpuang nakalutang ang bangkay ng bata sa palanggana ng tubig sa loob ng banyo ng kanilang tahanan.

Lumilitaw na nag-ugat ang krimen nang magtu­ngo umano ang suspek sa bahay ng biktima upang pumanhik ng ligaw sa tiyahin nito na si April Joy Galicia.

Gayunman, pinaalis umano ni Galicia ang suspek na sinasabing ikinapikon nito kaya’t ginulpi nito ang babae.

Nakita naman umano ng paslit ang ginawa ng suspek sa kaniyang tiyahin kaya’t nag-iiyak ito. Dito na umano binitbit ng suspek ang bata saka sinakal bago nilunod at saka tumakas.

Matapos ang kalaha­ting oras ay nadakip rin ang suspek sa kanilang tahanan sa follow-up ope­ration ng mga awtoridad.

Sa kabila naman nang pagkakaaresto sa suspek, labis pa rin ang paghi­hinagpis ng mga kaanak ng paslit dahil sa walang kuwentang kamatayan nito.

Show comments