Mga bahay sa tabing ilog gustong ipagbawal
MANILA, Philippines - Upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga mamamayan na naninirahan sa tabi ng ilog, isang panukalang batas ang inihain ni Senator Manny Villar na naglalayong ipagbawal ang paninirahan sa mga gilid ng ilog at estero.
Nais ni Villar sa kaniyang Senate Bill 2956 na tanggalin ang mga bahay na nasa loob ng 10 metro sa gilid ng ilog at iba pang uri ng inland waters.
Ayon kay Villar, palaging nalalagay sa peligro ang buhay ng mga mamayan sa gilid ng ilog lalo pa kung umuulan.
Hindi lamang ang mga pasaway na naninirahan sa tabi ng ilog ang nais parusahan ni Villar kung lalabag sa kaniyang panukala kundi maging ang mga lokal na opisyal ng gobyerno.
Sa sandaling maging isang ganap na batas, ang lalabag ay papatawan ng parusang pagkakulong ng hanggang anim na buwan at multang P50,000.
Parehong parusa rin ang ipapataw sa mga barangay chairman, mayor at gobernador kahit na hindi sila nag-isyu ng permit sa pagpapatayo ng bahay sa gilid ng ilog.
- Latest
- Trending