Rosebud inalis na sa 'Witness'
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon sa Senado ni Department of Justice Secretary Leila de Lima na wala na sa witness protection program (WPP) ng gobyerno si Mary “Rosebud” Ong.
Sa pagdinig ng budget ng DoJ para sa susunod na taon, sinabi ni de Lima na nilagdaan na niya ang papel na nagte-terminate ng pagkakalagay kay Ong sa WPP.
Sa ginawang assessment ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP wala na halos banta sa buhay ni Ong.
Si Ong ay halos pitong taong sumailalim sa kustodya ng ISAFP matapos ang kontrobersyal na expose nito sa malalaking kaso ng drug/kidnapping for ransom kung saan isa sa mga kinaladkad nito ay ang pangalan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Kinumpirma naman ni Ong na natanggap niya ang ‘notice of termination’ ng DOJ nitong Setyembre 2 kung saan ay binigyan siya ng hanggang Setyembre 30 para manatili sa protective custody sa compound ng ISAFP.
“I’m more afraid now, I don’t know what I’ve done wrong,” ani Rosebud na sinabi pang naghihinala siyang si Lacson ang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya sa kaniyang tinutuluyang quarter sa ISAFP compound sa Camp Aguinaldo.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Lacson si de Lima kung bakit nanatili pa rin sa ilalim ng witness protection ng gobyerno si dating police Senior Supt. Cezar Mancao II.
Si Mancao ay dating tauhan ni Lacson at isa sa nagdiin sa senador sa Dacer-Corbito double murder case. (Malou Escudero/Joy Cantos)
- Latest
- Trending