4 Pinay maid ni Gadhafi ire-rescue

MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng panibagong hakbang ang pamahalaan upang ma-rescue ang apat na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagmistulang hostage at human shields ng pamilya ni Libyan President Moammar Gadhafi sa Tripoli.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kumikilos na ang Emba­hada ng Pilipinas sa Tripoli upang matunton at masagip ang apat na Pinay na kasambahay ng pamangkin ni Gadhafi na kasalukuyang nasa isang tagong lugar sa Tripoli.

Ito ay matapos na humingi muli ng saklolo ang mga kaanak ng apat na OFWs sa DFA at mismong kay Vice President Jejomar Binay nang mabatid na nasa matinding peligro na ang kalagayan ng apat.

Ayon kay Jennifer Ri­vera, sinabi umano ng kanyang kapatid na si Diana Jill Rivera, 35-anyos na kabilang sa apat na OFWs na naninilbihan sa pamangkin ni Gadhafi na napapaligiran na umano ng mga armadong rebelde ang kanilang hideout at oras-oras ay may putukan at pagsabog sa labas ng kanilang pinagtataguan.

Huling nakausap ni Jennifer si Diana Jill ng nakalipas na linggo at nag­mamakaawa sa kapatid na humingi ng tulong sa Aquino government upang masagip sila at agarang mapauwi sa Pilipinas.

“Hindi ko alam kung makakauwi pa akong buhay o patay kaya bahala na kayo sa aking anak,” ayon umano kay Diana.

Bunsod nito, dumulog na si Jennifer kay Vice President Jejomar Binay, tumatayo ring Presidential adviser on OFWs concerns, at tiniyak naman ng huli na gagawa ng hakbang ang pamahalaan upang masagip ang apat.

Sa huling report ni DFA-Rapid Response Team chief Usec. Rafael Seguis, nakausap na niya umano noong Linggo ang isa sa apat na OFWs at sinasabing nananatiling nasa ligtas silang kalagayan subalit hiniling na agad silang sagipin.

Ipinaliwanag naman ni DFA spokesman Raul Hernandez, na dahil sa usaping pang-segu­ridad, idadaan pa rin sa diplomatic channel ang  negosasyon upang mapakawalan na ng mga Gadhafi ang apat na mga Pinoy household service workers. Nakipag-ugna­yan na sila sa Libya’s Foreign Ministry at sa National Transition Council para sa gagawing pag-rescue sa apat na Pinay.

Kamakalawa ay dumating na sa bansa ang grupo ni Seguis kasama ng isang OFW na kabilang sa 47 Pinoy na huling na­iligtas at nailikas sa Libya.

Gayunman, sinabi ng DFA na magpapatuloy ang isasagawang mandatory evacuation sa mga natitira pang 1,600 Pinoy sa Tripoli bunsod na rin sa nananatiling magulo sa lugar hangga’t hindi nahuhuli ang wanted na si Gadhafi na may patong na $1.7 milyon sa ulo.

Hinahalughog ang iba’t ibang lugar sa Libya ng mga nagkukumahog na mga rebelde upang makuha si Gadhafi buhay man o patay na sinasabing nasa loob pa ng Tripoli dahil na rin sa reward na ipinataw ng National Transition Council na kinikilala na ngayong bagong may kontrol sa Libya.

Show comments