10 pang Pinoy nasagip sa Libya - DFA
MANILA, Philippines - May 10 pang Pinoy na naipit sa karahasan sa Libya ang nasagip ng Rapid Response Team ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa Tripoli at nakatakdang ilikas sakay ng isang barko patungong pantalan ng Cairo sa Egypt.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, ang 10 Pinoy na pawang medical workers ay sinaklolohan at sinundo ng RRT sa pangunguna ni Usec. Rafael Seguis sa isang pinapasukang ospital na halos binabahayan na ng mga patay at sugatang mga katao bunsod ng tuluy-tuloy na sagupaan ng mga rebelde at loyalista ng wanted na si Libyan President Moammar Gadhafi, may ilang milya ang layo sa Tripoli.
Dumanas umano ng matinding checkpoint ang grupo ni Seguis habang ilang bahagi sa Tripoli ay may matitindi pang bakbakan sanhi upang mahirapan makalusot ang mga ito patungo sa pantalan.
Sinabi ni Hernandez na ang 10 Pinoy na magsisilbing ikalawang batch ng mga ililikas sa Libya ay isasakay din sa isang nakaantabay na barko na inupahan ng Embahada sa International Organization or Migration (IOM) patungong Egypt kung saan dito sila lilipad lulan ng eroplano pauwi sa Pilipinas.
Kinumpirma pa ni Hernandez na ngayong araw na rin ang dating sa Ninoy Aquino sa International Airport ng unang batch ng mga evacuees na kinabibilangan ng may 36 overseas Filipino workers (OFWs) mula Cairo, Egypt matapos silang lumikas sa Libya sa kasagsagan ng sagupaan noong nakalipas na linggo.
Sinabi ng DFA na patuloy ang grupo ni Seguis sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at panig ng mga Libyan rebels upang tiyakin na magiging ligtas ang paglilikas ng mga Pinoy kasabay nang pilit na pagtunton sa may humigit kumulang sa 1,600 OFWs sa kani-kanilang pinapasukang kumpanya at mga ospital.
Sa may 190 Pinoy na nagpahayag ng kagustuhang lumikas sa Libya, tanging 36 pa lamang ang makakauwi ngayong Miyerkules sa bansa matapos ang huling deklarasyon na mandatory evacuation sa mga Pinoy sa Libya.
- Latest
- Trending