MANILA, Philippines - Nag-iwan ng 25 kataong death toll ang pananalasa ng malakas na bagyong Mina habang naitala naman sa P1.108 bilyon ang pinsala sa mga naapektuhan sa Region 1, II, III, V, VI, National Capital Region (NCR) at Cordillera, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, pinakahuling napabilang sa death toll ay ang isang tinamaan ng kidlat sa Janiuay, Iloilo at ang mag-inang nasawi sa landslide sa Brgy. Sta. Rita, Olongapo City kahapon bandang alas-8 ng umaga.
Ang mag-ina ay kinilala ni Ramos na sina Erlinda Macapal, 54 anyos at anak nitong 12 taong gulang na si Marilyn habang pito pa ang sugatang nailigtas.
Lumobo naman sa mahigit 70,840 pamilya o katumbas ng halos 301,000 katao ang apektado ng pananalasa ng bagyo.
Samantalang nasa 11,300 pamilya o mahigit 43,600 katao ang nananatili pa rin sa 24 na evacuation centers.
Naitala naman sa 23 ang mga nasugatan habang tumaas naman sa 12 pang katao ang nawawala at patuloy na pinaghahanap kung saan inaasahang tataas pa ang mga nasawi sa insidente.
Samantalang sa imprastraktura tulad sa mga tulay, kalsada, gusali ng mga eskuwealahan ay nasa P51.032M sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Apayao, Benguet, Kalinga at Mt. Province.