Bgy. captains gagamitin para matukoy ang OFWs sa Syria
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang suporta ng mga barangay captains para tukuyin ang may 17,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Syria na maaring nasa panganib at gusto ng makatakas at makauwi ng ligtas sa bansa.
Aksyon ito ng kalihim bunsod ng lumalalang kaguluhang political sa Syria sa loob ng limang buwan, bunga ng labanan ng puwersa ng pamahalaan at pro-democracy groups sa naturang bansa.
Nilinaw ni Robredo na hinahanap nila ang mga pamilya para makakuha ng mga detalye na kailangan tulad ng pangalan, contact numbers at eksaktong kinaroonan ng kanilang mahal sa buhay na naninirahan sa Syria, kung saan ang mga barangay captain ang maaring makapagbigay at mapabiis ang paglikas at pagbalik sa kanila sa bansa.
Sa kanyang direktiba, pinasusumite ni Robredo sa mga punong barangays ang mga pangalan, contact numbers at kinaroroonan ng mga Filipinos sa Syria sa DILG city/ municipal field officer, o sa National Barangay Operations Office (NBOO) sa hindi lalampas sa September 2, 2011.
Hinikayat din nito ang publiko na mag-text sa DILG hotline number 2299 sa pamamagitan ng ganitong format: Type DILG <name of sender>/<name of OFW>/address sa Syria/contact number sa Syria><additional information> at -send sa 2299.
Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ikatlong alerto sa buong Syria na nangangahulugan ng boluntaryong pagbalik bayan ng lahat ng Filipinos kung saan ang magbibigay ng ayuda sa mga ito.
Nauna rito sinabi ni Pangulong Aquino na ang paglilikas sa mga Pinoy sa Syria ay sinisimulan na subalit ilan lamang ang tumugon sa panawagan ng gobyerno bunga ng lumalalang kaso ng human rights situation sa gitnang silangan.
Ayon sa ulat, tinatayang aabot sa 17,000 OFW ang nasa Syria, 95 percent dito ay domestic workers, at mas mataas na bilang ay hindi dokumentado at handang isuong ang kanilang sarili sa kaguluhan para mapanatili ang kanilang pagta-trabaho.
- Latest
- Trending