$1.7-M sa ulo ni Gadhafi
MANILA, Philippines - Idineklara nang wanted si Libyan President Moammar Gadhafi matapos na magpataw ng halagang $1.7 milyong reward o pabuya sa si numang makakapagturo o makakadakip sa kanya buhay man o patay.
Inianunsyo ng National Transitional Council, ang kinikilala ngayong bagong liderato sa Libya, na nagmula sa mayayamang negosyante ang nasabing bounty upang mawakasan na ang karahasan sa Libya.
Base sa report, sinadya ng mga Gadhafi na magtago upang makapaghanda pa sa mga gagawing pag-atake at ganti sa mga kalaban.
Bunsod sa nasabing reward, nag-uunahan na ang mga rebelde na ha lughugin ang buong Tripoli at ibang lugar sa Libya na maaaring pagtaguan ng Libyan president upang makuha ang milyon-milyong pabuya. Naniniwala ang mga rebelde na nananatiling nasa Libya si Gadhafi.
Sa ulat, nagkalat ang mga patay sa Tripoli bunsod sa tuluy-tuloy na bakbakan kasunod ng pagkaka-kubkob sa compound ni Gadhafi sa Bab al Aziziyah.
Dahil sa pagkakasakop sa Tripoli ng mga rebelde ay itinaas na ang lumang bandila ng Libya kapalit ng ginagamit na bandila ni Gadhafi simula ng manungkulan ito may apat na dekada na habang sa mga Embahada nila ay nagpalit na rin ng Libyan flags.
Sa pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, sinabi naman ni DFA spokesman Raul Hernandez na nagbigay na ng “note verbal” ang Embahada ng Libya sa Manila sa pagpapalit nila ng kanilang bandila bilang pagkilala sa bagong liderato ng Libya.
Sa ulat naman ni Foreign Affairs Usec, Rafael Seguis na nasa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, tiniyak ng mga opisyal ng NTC sa kanila na bibigyan ng “safety passage” ang mga Pinoy na ililikas sa Libya.
Sinimulan nang maglayag ng barko na kinuha ng International Organization for Migration sakay ng may 91 Pinoy mula Port ng Tripoli patungong Alexandria sa Egypt kung saan sila sasakay ng eroplano pauwi sa Manila.
- Latest
- Trending