Barkong Hamilton, iinspeksyunin ni PNoy
MANILA, Philippines - Iinspeksyunin ngayong araw nina Pangulong Benigno Aquino III, Defense Secretary Voltaire Gazmin at mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Hamilton cutter – class vessel na nabili ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Marine Lt. Col. Omar Tonsay, ang Hamilton cutter – class vessel na ngayon ay BRP Gregorio del Pilar (PF) 15 ay nakadaong sa Pier 13, South Harbor sa lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Tonsay na magsasagawa ng tour sa BRP Gregorio del Pilar si PNoy, Gazmin, AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban, mga opisyal ng Philippine Navy sa pangunguna ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Alexander Pama.
Ang nasabing barko ay pumasok sa teritoryo ng karagatang nasasakupan ng 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) noong Agosto 17 at dumaong sa Manila Bay kamakalawa matapos ang halos isang buwang paglalayag mula sa Estados Unidos.
Nitong Agosto 21 ay pinangunahan ni Pama ang blessing at welcome ceremonies sa BRP Gregorio del Pilar na naglayag patungong Pilipinas sa pamumuno ni Captain Alberto Cruz, kasama ang 13 officers at 82 enlisted personnel.
Ang nasabing barko na dating pag-aari ng US Coast Guard ay nabili sa halagang P450 M mula sa P 8 bilyong Malampaya fund.
- Latest
- Trending