MANILA, Philippines - “Barbaric, walang ipinagkaiba sa terorista!”
Ito ang ginawang paglalarawan kahapon ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa maling inasal ng mga pulis sa paglalagay ng dinikdik na siling labuyo sa ari ng mga police trainees sa Laguna noong nakalipas na taon.
“It was like a training for terrorist, I think it’s barbaric, wala sa sukat ng tapang, husay at gilas ang ginawa,” pahayag ni Robredo sa PNP Press Corps sa Camp Crame.
Inihayag ng Kalihim na ang nasabing brutal na hazing na bumaboy sa mga police trainees ay dalawang beses nangyari noong Pebrero at Setyembre 2010.
Nalantad ang nasabing isyu matapos mapasakamay ng Commission on Human Rights (CHR) ang nasabing video kamakailan.
Una nang sinibak ni PNP Chief Director Gen. Raul Bacalzo ang dalawang opisyal at 14 pulis na sabit sa hazing.
Bukod sa “sili torture” ay isa ring kalapastanganan ang ginawang pagpapadila ng mga police trainors sa zeal ng PNP na simbolo ng institusyon.
Ayon kay Robredo, inatasan na niya ang PNP, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology na magtakda ng mga panuntunan na titiyak na walang magiging paglabag sa anti-hazing at anti-torture laws.
Sa nasabing video, naiiyak sa hirap ang mga police recruits habang pinakakain ng isang dakot ng siling labuyo. Nilagyan pa ng sili ang mga ari at puwet ng mga trainee na pawang nakahubo’t hubad. Isinagawa ang hazing sa labas ng Camp Eldridge sa Los Baños, Laguna kaugnay sa isinasagawang PNP Special Counter-Insurgency Operation Unit Training Course.