MANILA, Philippines - Pumuslit patungong Japan si Pangulong Aquino para lang makipagpulong kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Al Haj Murad, kamakalawa ng gabi.
Hindi natunugan ng media ang ‘secret meeting’ ng Pangulo sa Tokyo lalo pa’t may inilabas silang schedule ng mga meetings na inaasahang sa Palasyo sana gaganapin ngayong araw.
Mismong si Pangulong Aquino umano ang nag-initiate ng pulong matapos magsumite ang gobyerno ng sarili nitong agenda sa peace talks.
Matapos maglabasan ang mga larawan nina P-Noy at Murad na magkaharap sa isang hotel sa Tokyo ay saka lang kinumpirma ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang naturang meeting.
Tinalakay daw dito kung paano isusulong ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Kinuwestiyon naman ni Sen. Francis Escudero kung bakit kailangang ang Pangulo pa mismo ang makipagkita sa lider ng MILF at sa Japan pa.
Tinawag din ni Escudero na “ill advised” o hindi napayuhan ng tama si Pangulong Aquino nang makipagkita ito kay Murad.
Ayon kay Escudero, ni hindi maituturing na kapantay ng Pangulo ang lider ng MILF at hindi isang magandang taktika ang personal na pakikipag-usap ng pangulo.
Sinabi pa ni Escudero na dapat ay prinotektahan ni Secretary Teresita Deles ang Pangulo at ginawa ang kaniyang trabaho sa negosasyon.
“I hope Secretary Deles will protect the President from such things..She should just do her job and give her president deniability with respect to this early stages of the negotiations,” sabi ni Escudero.
Ito umano ang unang pagkakataon na nakipag-usap ang pangulo ng Pilipinas sa lider ng MILF sa loob ng 14 na taon.
Nabatid na taong 2008 ng makipagkasundo ang gobyerno sa MILF tungkol sa pagsuko ng ilang bahagi ng ancestral domain na kinontra naman sa Korte Suprema.