Counter-protest ni Zubiri inatras na
MANILA, Philippines - Mas magiging madali na ang gagawing pagpo-proklama kay Atty. Aquilino “Koko” Pimentel III matapos iurong kahapon ng abogado ng nagbitiw na si Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kanilang counter protest sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Inihayag ni Atty. George Erwin Garcia na naaayon lamang ang kanilang desisyon sa ginawang pagbibitiw kamakalawa ni Zubiri.
“We just want to inform the SET that we already withdrew the counter-protest of Sen. Zubiri and they can now announced the real winner,” pahayag ni Garcia.
Nilinaw din ni Garcia na hindi na maaaring bawiin ang resignation ni Zubiri.
Kasabay nito, mismong si Zubiri na ang umapela sa SET na huwag ng patagalin ang pagpapalabas ng desisyon upang maupo sa Senado si Pimentel.
Sinabi pa ni Zubiri na natutuwa siyang ang papalit sa kaniyang puwesto ay isa ring taga-Mindanao.
Inihayag din ni Zubiri na bago niya inanunsiyo ang pagbibitiw kamakalawa, kinausap niya ang kaniyang mga staff at ipinaliwanag ang kaniyang naging desisyon.
May mga senador na umanong nagpahayag na kahandaan na kunin ang mga maiiwang staff ni Zubiri upang hindi sila tuluyang mawalan ng trabaho.
- Latest
- Trending