Recruiter ng 38 mangingisda sa Spratlys kasuhan - Binay
MANILA, Philippines - Iniutos ni Vice President Jejomar Binay sa mga government agencies sa ilalim ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na sampahan ng kasong illegal recruitment ang isang recruiter at fishing company dahil sa reklamo ng 38 mangingisda na umano’y pawang menor-de-edad na pinagtrabaho ng walang kaukulang permit at walang sapat na suweldo.
Ayon kay Binay bago siya tumulak patungong Sweden noong Linggo, dapat mapanagot ang recruiter ng mga nabanggit na mangingisda na pumalaot a karagatan sa Spratlys na hindi nabigyan ng sapat na suweldo at benepisyo.
“Dapat maparusahan ang mga nagkasala. Hindi natin dapat palampasin ang mga ginawa sa mga mangingisda, lalo na ang mga kabataan na hindi dapat ginamit sa mga trabahong ito,” ani Binay.
Sinabi ni Binay, tumatayo ring pinuno ng Presidential Task Force on Anti-Illegal Recruitment (PTFAIR) na nagsampa na ng pitong kasong kriminal laban kay Andrew Labao, recruiter ng fishing company na Pesca Maharlika Marine Resources Inc. sa Negros Oriental Provincial Prosecutor’s Office noong Biyernes.
Si Lubao ay nahaharap sa anim na kaso sa paglabag sa Sec. 4(a) ng Republic Act 9208 o Acts of Trafficking in Persons at kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Nakipagkita at nakipagpulong si Binay sa 38 mangingisda sa Dumaguete noong nakalipas na linggo at inatasan ang pisklya na maghain ng qualified trafficking laban kay Lubao at sa Pesca Maharlika.
- Latest
- Trending