Bentahan ng tuko iimbestigahan na ng Senado
Kabilang sa papaharapin sa pagdinig ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magbigay-linaw sa talamak na bentahan ng tuko.
Posible umanong may kaugnayan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa pagkaubos ng mga tuko.
Ayon kay Senator Manny Villar, naghain ng resolusyon kaugnay sa bentahan ng tuko, kung magpapatuloy ang panghuhuli ng mga tuko, lalong dadami ang populasyon ng mga lamok lalo na yung mga nagdadala ng dengue virus.
Kalimitan umanong namamahay sa mga haligi at bubong ng bahay ang mga tuko at pawang mga insekto ang kinakain, kabilang na ang mga lamok.
“Recent reports stating the rise in hunting and selling of these reptiles because of their high cost in the international wildlife market coincide with the rise in the number of dengue patients now being monitored by the Department of Health (DOH),” ani Villar.
Ayon sa Disease Surveillance Report ng DOH-National Epidemiology Center(NEC), ang kaso ng mga dinapuan ng dengue sa buong kapuluan ay umaabot na sa 27,000 mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito.
Wala naman umanong patunay o pag-aaral na nakakagamot nga ng hika at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS), ang tuko.
Ang bentahan ng tuko ay talamak din sa internet kung saan ang 500 gramo ay naibebenta ng P50,000 hanggang P500,000.
- Latest
- Trending