Iskul na hindi magbibigay ng mid-term, final exams ipasasara
MANILA, Philippines - Maaaring maipasara o pagmultahin ang mga eskuwelahan na hindi pakukuhanin ng mid-term at final examinations ang mga estudyante na hindi pa nakakabayad ng kanilang tuition fees.
Sinabi ni Rep. Carlo Lopez (2nd District, Manila), layunin ng House Bill 4559 na ideklarang labag sa batas ang hindi pagbibigay ng eksaminasyon dahil sa hindi pa sila bayad ng tuition.
Nakasaad sa panukala na mahaharap sa suspensyon o kanselasyon ng permit to operate ang eskuwelahan at multang hindi lalagpas sa P50,000.
Nilinaw naman ni Lopez na pinapahintulan ng panukala na huwag munang ibigay ang grado ng estudyante hanggang hindi pa nababayaran ng buo ang tuition fees gayundin ang mga interests charges nito.
Sa ilalim ng ng House bill, ang estudyante na mayroong hindi pa nababayarang tuition fee ay maaring tanggapin ng eskuwelahan hanggang sa mga susunod na semesters o susunod na pagbubukas ng klase at hanggang sa mabayaran na niya ito ng buo.
Obligado din ang estudyante na bayaran ang interests o unpaid tutition fees o kabuuan ng hindi hihigit sa 14 porsiyento kada taon base sa computation mula sa petsa ng eksaminasyon maliban na lamang kung i-waived ito ng school authorities.
- Latest
- Trending