MANILA, Philippines - Inihirit ni San Juan Rep. JV Ejercito na magpalabas ang gobyerno ng ‘hold depature order’ laban kay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Paliwanag ni Ejercito, layon nito na hindi makatakas si Ginang Arroyo mula sa mga kasong kanyang kinakaharap.
Sa kasalukuyan, tatlong plunder case ang naisampa na laban sa dating pangulo habang ini-uugnay ang pangalan nito sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) scandal, at electoral fraud na isiniwalat nina suspended ARMM governor Zaldy Ampatuan at dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol.
Pangamba ni Ejercito, hindi malayong tumakas si Arroyo at umalis ng bansa para makalusot sa mga asunto at alegasyong ipinupukol sa kanya.
Kaya naman naniniwala si Ejercito na marapat umanong pag-isipan ng Aquino administration ang paghahain ng HDO upang makatiyak na hindi makakapuslit palabas ng bansa si Arroyo.