Payola at protection racket sa illegal bookies, idinulog sa DILG
MANILA, Philippines - Ibinulgar ng dalawang mayor ang “payola” at “protection racket” ng ilang pulis sa malawakang illegal bookies sa Negros Oriental matapos maghain ng confidential report kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.
Ayon sa mga alkalde mula sa lalawigan na humiling na huwag banggitin ang pangalan, ang illegal na sugal na ‘suertres’ ay pinatatakbo diumano ng isang ‘untouchable operator’ na si “alias Benny’ at protektado ng isang Board Member at naka-timbre din sa pinakamataas na opisyal ng kapulisan sa probinsiya at Visayas.
Nanawagan din ang mga alkalde kay PNP Director General Raul Bacalzo na gawaran ng immediate relief ang opisyal ng pulis sa lalawigan na nasa likod ng ‘illegal bookies’ na kumukumpitensya sa legal na ‘three-digit’ na pinatatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa ulat ng mga alkalde sa DILG, isang broadcaster sa Dumaguete City na bumabatikos sa illegal ‘suertres’ ang nakatanggap ng death threat matapos ibunyag ang diumano’y “2 million payola kada buwan” na ibinibigay ng nasabing Board Member at ng operator na si Benny. Sinabi rin ng dalawang alkalde sa mamamahayag na gagawa rin sila ng isang petisyon kay Pangulong Noynoy Aquino kapag kinunsinti ng PNP ang mga tiwaling pulis dito.
- Latest
- Trending