MANILA, Philippines - Sampung milyon pisong pondo ang inilatag para sa demolisyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para pagtakpan ang mga anomalya sa nakalipas na rehimen ni dating Presidente at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Ayon sa isang impormante, ang kampanya ay tinaguriang “Oplan Matanghari” at ito ay inulunsad nu’ng nakaraang Biyernes sa ilang print, radio-TV at internet outlets.
Pinagkakalat ang lasong balita na ang Senado ay “politically motivated at pabor sa bagong PCSO board sa kanilang ginagawang imbestigasyon.”
Pinagkakalat din na ang Commission on Audit (COA) ay kakuntsaba ang new PCSO board sa mga “doctored” reports na isinumite nito sa Senado. Bukod pa rito, katakut-takot na personal na paninira ang ibinabato kay PCSO Chair Margie Juico at ang kanyang kabiyak na si Philip.
Ayon din sa sources, ang well-funded campaign ay may headquarters sa Ortigas, Pasig City at sa isang kilalang gusali sa Intramuros. Kumpleto ng high-tech communication gadgets ang mga tanggapan at round-the-clock ang mga personnel dito.
Kinondena ng mga tagamasid ang maitim na pakana. “Maraming dapat paghinalaan kung sino ang mga tao sa kabila nito. Kumakalat na balita na maaari raw sangkot ang isang foreign company paper supplier at illegal gambling lords,” suspetsa nila.
Samantala, umapela si PCSO Chair Margie Juico ng “calm and sobriety” sa lahat ng sector sa gitna ng umiinit at lumalalim na isyu.
“Pabayaan natin na tuparin ng Senado ang kanilang responsibilidad na mag-imbestiga. Kailangan lumabas ang katotohanan at malinis ang mga inosente at maparusahan ang mga nagkasala,” sabi niya.
Idiniin muli ni Juico na ang PCSO ay walang away sa mga beneficiaries ng PCSO benefits para sa magandang layunin.
“Ngunit katungkulan namin na suriin kung ayon sa batas ang disbursements sa mga benepisyo. Katungkulan naming protektahan ang pondo ng ahensya para makapaglingkod pa kami ng ibayo sa mahihirap,” patapos niya.
Sa pamamagitan ni Deputy Spokesperson Abigail Valte, pinapurihan muli ni Pangulong Benigno Aquino III ang house cleaning ng PCSO. (