Sara Duterte sinampahan ng disbarment
MANILA, Philippines - Ipinagharap kahapon ng disbarment case sa Korte Suprema si Davao City Mayor Sara Duterte kaugnay sa pananakit nito sa isang court sheriff na nagsilbi ng court order para sa isang demolisyon, sa Davao City , kamakailan.
Inihain ng isang Atty. Fernando Perito, crusader para sa Lawyer’s Ethics at lifetime member ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Siya ang abugado na naghain din ng disbarment noong 2008 laban kay dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio nang tangka nitong impluwensiyahan umano ang kapatid na si dating Court of Appeals Justice (CA) Justice Jose Sabio para sa isang kaso sa pagitan ng Manila Electric Company at Governemnet Service Insurance System (GSIS).Hindi naman naidetalye ang complaint laban kay Duterte, dahil confidential ang kaso ng isang abugado.
Una nang pumutok ang kontrobersiya laban kay Duterte nang sapakin nito ang court sheriff na si Abe Andres noong Hulyo 1, nang hindi pagbigyan sa hinihingi nitong 2 oras na extension para makausap muna ang mga residente ng Agdao District bago pa man ipatupad ang demolition order.
Samantala, naghain din ng hiwalay na reklamo ang Sheriffs Confederation of the Philippines sa tanggapan ng Ombudsman laban kay Mayor Sara Duterte ng kasong direct assault at grave misconduct.
- Latest
- Trending