'Blood money' ng OFW na bibitayin sa Saudi, tinanggihan
MANILA, Philippines - Nawalan nang pag-asa na makaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang OFW na nakatakdang bitayin dahil sa kasong pagpatay sa Saudi Arabia matapos na ibasura o i-reject ng pamilya ng Sudanese landlord na napatay nito ang inaalok na “blood money” kapalit ng kanyang kalayaan.
Sa tinanggap na magkasunod na tawag sa cellphone noong Hunyo 30 at Hulyo 1 ni John Leonard Monterona ng Migrante Middle East mula sa Pinoy na si Joselito Zapanta, 32, tubong Mexico, Pampanga at nakakulong sa Malaz Centrail Jail sa Riyadh, kinumpirma nito na tinanggihan ng pamilya ng biktima ang ‘diyya’ o blood money’ na kanilang inaalok kapalit ng pagpapatawad at mailigtas siya sa bitay.
Si Zapanta ay nahatulan ng bitay dahil sa kasong “murder at robbery” noong Abril 13, 2010 ng Court of First Instance.
Sa kabila nito, mapalad naman ang isa pang Pinoy na nasa death row na si Rodelio ‘Dondon’ Lanuza, nakakulong sa Dammam Central Jain matapos na tanggapin ng pamilya ng napatay nito ang blood money na kanilang alok.
Gayunman lumampas na umano ang takdang oras na ibinigay na taning ng pamilya ng biktima sa kanya matapos na mabigo ang Embahada o DFA na tulungan siya at makapag-produce ng hinihinging halaga.
- Latest
- Trending