Proseso ng pag-ampon gustong pabilisin
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Sen. Edgardo Angara Jr., na silipin ng kinauukulang komite sa Senado ang mga batas tungkol sa proseso ng pag-aampon sa Pilipinas upang mas pabilisin ang proseso ng adoption.
Sa Senate Bill 516 na inihain ni Sen. Angara, sinabi nito na may mga batas sa Pilipinas na nagtatakda ng proseso ng adoption bukod pa sa mga administrative order na ipinalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang masigurado ang kapakanan ng aampuning bata.
Kabilang sa mga batas tungkol sa pag-aampon ang Republic Act No. 8552 o “The Domestic Adoption Act of 1988”; Republic Act No. 8043 o “An Act Establishing the Rules to Govern Inter-Country Adoption of FIlipino Children and for Other Purposes; at Republic Act 9523 o “An Act Requiring Certification of DSWD to Declare a Child Legally Available for Adoption”.
Ayon kay Angara, sa ngayon ay nakapatagal pa rin ng proseso ng pag-aampon at dapat tingnan kung papaano ito mapapabilis pero hindi naman dapat malagay sa alanganin ang kapakanan ng batang aampunin.
Ang Pilipinas ay signatory sa “Hague Convention on the Protection of Children and Cooperation in Respect of Inter-Country Adoption” isang international treaty na sisigurado sa kapakanan ng mga bata upang maiwasan ang abduction, pagbebenta at trafficking habang nasa sumasailam ang isang bata sa inter-country adoption. Malou Escudero
- Latest
- Trending