Pro-life advocates isinusulong ang responsible gun ownership

MANILA, Philippines - Mangunguna ang pro-life advocates ngayon sa pagsusulong ng paggamit ng baril sa responsableng pamamaraan sa serye ng mga seminar mula Hulyo 12-18  sa SM Megamall, Mandaluyong City.

Pangungunahan ni Mike Melchor ng A2S5 Coalition ang pagbibigay ng seminar sa responsableng pagmamay-ari ng baril kasabay ng unang yugto ng 2011 Defense Sporting and Arms Show (DSAS) na gaganapin mula Hulyo 14-18 sa SM Megatrade Hall 2 at 3.

Ang A2S5 Coalition ay nabuo noong taong 2010 na ibinase sa Article 2 Section 5 ng Konstitusyon na la­yong mapanatili ang kapayapaan at maproteksyunan ang buhay. 

Isinusulong nito ang pagproteksyon sa sarili sa pamamagitan ng responsableng pagiging may-ari ng baril laban sa kriminalidad.

Magbibigay naman si Eustacio “Jun” Sinco ng Philippine Practical Shooters Association-National Range Officers Institute ng lecture sa gun safety habang ang security specialist na si Lito Barrameda ay magbibigay ng seminar sa kahalagahan ng paggamit ng K-9 dogs sa epektibong seguridad sa mga establisimiyento.

Nasa ika-19 taon ngayon, ang DSAS – na inorganisa ng Association of Firearms and Ammunition Dealers (AFAD) sa pamumuno ni Neri Dionisio – ay naghanda rin ng iba pang seminar na nagtataguyod sa sport shooting, self defense, firearm maintenance, at ma­ging sa disaster at emergency response sa temang: “Right to Life, Right to Live.”

Pararangalan rin sa DSAS event ang mga top gun ng Pilipinas na pina­ngungunahan ni world shooting champ Jethro Dionisio na sasabak sa prestihiyosong World Shoot XVI sa Rhodes, Greece sa darating na Set­yembre.

Show comments