MANILA, Philippines - Higit na naging mataas ang allowance ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa buong Caloocan City sa panahon ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri na labis na ikinatuwa ng mga nagtuturo sa mga public schools.
Sa ulat ni Echiverri, simula sa P500 allowance ng mga guro noong nakalipas na administrasyon ay tumaas ito sa P2,000 kada buwan na naging dahilan upang lalo pang paghusayan ng mga ito ang kanilang pagtuturo.
Libre ding binibigyan ng lokal na pamahalaan ng mga seminars ang mga guro sa mga pampublikong paaralan upang lalo pang maragdagan ang kaalaman ng mga ito sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
Samantala, umabot naman sa 86.31% ang mga nakapag-aral sa elementarya habang 90.47% naman sa sekondarya ang mga residenteng nakapag-enroll ngayon pasukan at inaasahan pa na lalo itong tataas sa mga darating pang enrollment.
Ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang residenteng nakakapag-aral ngayon sa mga pampublikong paaralan ay dahil na rin sa patuloy na pagpapatayo ni Echiverri ng mga bagong silid aralan na umaabot na sa mahigit 300 classrooms simula ng manungkulan itong alkalde noong 2004.
Pinaayos din ni Echiverri ang mga sirang silid aralan upang magamit ng maayos ng mga estudiyante bukod pa sa pagbili ng mga textbooks at iba pang gagamitin ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.