MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng isang dating guro kay Pangulong Aquino na imbestigahan din ang ‘VIP’ treatment sa ibat ibang kulungan sa bansa tulad sa Occidental Mindoro dahil sa paglabas-masok umano ng isang nakakulong na former board member at provincial agriculturist.
Ayon kay Xavier de Jesus, labas-masok sina Peter Alfaro, dating provincial agri-culturist at former Board Member Randolph Ignacio mula sa provincial jail gayung may kaso itong serious illegal detention na walang piyansa. Kasama dapat sa nakakulong si Atty. Judy Lorenzo subalit nagtago ito.
Siniguro naman ni De-puty Presidential Spokesperson Abigail Valte na kasama ito sa paiimbestigahan ng Pangulo sa Department of Justice at Department of Interior and Local Government na may hurisdiksyon sa BJMP.
Kinasuhan ng serious illegal detention ni de Jesus ang 3 opisyal matapos na ipaaresto at ipakulong siya ng mga ito noong 2008 makaraang akusahan siya ng pandaraya sa eleksyon subalit sa kawalan ng kaso ay nakalaya siya kaya kinasuhan niya ang 3 ng serious illegal detention.
Naaresto sina Alfaro at Ignacio noong 2009 sa pamamagitan ng warrant habang nagtago si Atty. Lorenzo.
Nagagawa umano nina Ignacio at Alfaro na makalabas ng kulungan at nakunan ito ng aktuwal ng progra-mang XXX ng ABS-BN noong June 10. Bukod dito may litrato din na dumadalo pa sa mga okasyon sa Kapitolyo ang mga ito kasama si Mindoro Occidental Gov. Josephine Ramirez-Sato.
Wika pa ni de Jesus, masyadong maluwag ang provincial jail warden na si Rodolfo Tiuzen kina Alfaro at Ignacio kaya malaya itong makalabas-pasok ng kulungan.
Dahil dito, nanawagan si de Jesus kay Pangulong Aquino na huwag lamang limitahan sa National Bilibid Prison pati sa Quezon City Jail na maluwag din ang pagtrato kina Jayson Ivler at dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. kundi dapat imbestigahan din ang lahat ng kulungan sa bansa.