Pag-inom ng alak sa kalye bawal sa Caloocan
MANILA, Philippines - Mahigpit nang ipatutupad ng Caloocan City government ang isang ordinansa na nagbabawal sa mga residente na uminom ng anumang nakalalasing na inumin sa mga kalsada sa buong lungsod.’Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, ang pagbabawal sa pag-inom sa mga kalsada ay isang paraan upang mabawasan ang nangyayaring away sa mga lansangan na ang kadalasang napapasama sa gulo ay ang mga umiinom sa kalye.
Base sa ordinance no. 0937 series of 2005, ang sinumang mahuhuling umiinom ng anumang klase ng alak sa kalsada ay agad na huhulihin ng mga awtoridad at maaari pang makulong ang mga ito bukod sa multang ipa pataw.
Papayagan lamang ang mga residente na uminom sa kalye sa mga espesyal na okasyon tulad ng birthday, baptismal, wedding, wedding anniversary, pasko, bagong taon at iba pa ngunit kinakailangan pa ring kumuha ng permiso ang mga ito sa barangay na nakakasakop sa kanilang lugar isang linggo bago ganapin ang pagdiriwang.
Sinabi pa ni Echiverri na ang mahigpit na pagpapatupad sa naturang ordinansa ay para na rin sa kapakanan ng mga residente upang mailayo ang mga ito sa anumang kaguluhan lalo na kapag nalalasing na ang mga ito sa pag-inom ng alak.
- Latest
- Trending